Nakaguhit sa buong mukha nito ang matinding galit na nadarama para kina Mike at Margaret. Bigla itong kumalma at ngumiti sa kanilang dalawa. Pagkatapos ay nagsalita ito sa pinalakas na boses nito, nakatingin sa mga kapwa guro ni Margaret at maraming mga batang estudyanteng naroroon. “Alam niyo ba kung sino ang ama ang ipinagbubuntis kong ito ha?” tanong niya sa lahat ng naroroon. Gulat na napatitig kay Esmeralda ang lahat ng naroroon. Nagpatuloy ito. “Walang iba kundi itong si Mike Llamanzares na gustong pakasalan ng pinakamamahal niyong gurong si Margaret!” Nagkagulo kaagad ang lahat ng mga nakarinig kay Esmeralda.