"Pero wala pa ring nagbabago. Mahal pa rin natin ang isa't isa. Tayo pa rin. Tayong dalawa pa rin ang nakalaan para sa isa't isa," mariing sagot nito. "Tatanggapin ko ang batang iyon, ang magiging anak ko pero hanggang doon lang..." giit nito.
Humagolhol na isinubsob niya ang kanyang ulo sa dibdib nito. "Mike.... Mike...." Parang mababasag ang puso ni Margaret sa kalungkutang nadarama. Hinayaan lang nito na magpatuloy siya sa pag-iyak. Yinakap siya nito nang mahigpit na mahigpit. Pilit na ipinadarama sa kanya kung gaano siya nito kamahal. Umaasang makakayanan nilang dalawa ang napakalaking pagsubok na dumating sa buhay nila.