Pagkalipas ng ilang araw ay inihatid na nila sa huling hantungan ang ina ni Esmeralda. Pumatak pa ang mas maraming mga luha sa mata ng naghihinagpis at tumatangis na si Esmeralda at sa lahat ng sandali ay nandoon si Mike para panatagin at damayan ito. Hinayaan niya itong umiyak nang umiyak sa kanyang mga bisig. Naluluha si Mike habang hinahagod niya ang likuran nito habang patuloy ito sa pagluha at malabis na pagdadalamhati sa pagpanaw ng pinakamamahal na ina.
       Makalipas ang ilang araw matapos ang libing ay muling nag-usap si Mike at si Esmeralda. Napagkasunduan nilang ipagpatuloy pa rin ang pagpapakasal nila.